Nagpatawag ng special session ng Kongreso sa susunod na linggo si Pangulong Rodrigo Duterte para talakayin ng mga mambabatas ang panukalang 2021 national budget. Dahil dito, inaasahan ang muling pag-init ng agawan sa liderato ng Kamara de Representantes nina Speaker Alan Peter Cayetano at Marinduque Representative Lord Allan Velasco.

Ayon kay presidential spokesperson Harry Roque, idaraos ang special session sa October 13 hanggang 16, “to resume the congressional deliberations on the proposed 2021 national budget and to avoid any further delays on its prompt passage.”

Nakasaad sa Section 15, Article 6 ng 1987 Constitution na "the President may call a special session at any time.”

Una rito, nagpahayag ng pangamba ang ilang senador na baka "reenacted 2020 budget" ang magamit sa 2021 matapos suspindihin ng Kamara de Representantes ang kanilang sesyon nitong nakaraang linggo, at magbabalik na lamang sa Nobyembre 16.

Pero bago ipinatupad ang suspensiyon ng sesyon, ipinasa muna ng Kamara sa ikalawang pagbasa ang 2021 panukalang budget ng pamahalaan.

Naganap ang maagang suspensiyon ng sesyon sa Kamara sa harap ng sigalot sa liderato ng kapulungan kaugnay sa term-sharing agreement nina Cayetano at Marinduque Representative Lord Allan Velasco, na itinakdang ipatupad sa Oktubre 14.

Sa Facebook post, sinabi ni Cayetano na susundin nila ang direktiba ni Duterte tungkol sa special session.

"As we commit our nation and the People’s 2021 Budget to the Almighty, we welcome President Duterte’s call for a Special Session of Congress on October 13 to 16," ayon kay Cayetano.

"We trust his wisdom on how to address issues concerning the budget, and thank him for his continued confidence by allowing Congress to pass the General Appropriations Bill free from the specter of politicking and intrigues that we had originally sought to avoid," dagdag pa niya.

Binanggit din ni Cayetano ang bible verse Psalm 37 : 5-6 na nagsasaad na: "Commit your way to the Lord; trust in him, and he will act. He will bring forth your righteousness as the light, and your justice as the noonday."

Sa hiwalay na pahayag, umapela naman si House Majority Leader at Leyte Rep. Martin Romualdez, ng kooperasyon sa kanilang mga kasamahan sa Kamara para maipasa sa ikatlong pagbasa ang 2021 national budget bill.

"We appeal to our colleagues to give their full cooperation in ensuring the swift enactment of legal and constitutional General Appropriations Bill (GAB) as requested by President Duterte to support his vision for the nation in the years to come." saad niya.

Tiniyak din ni Romualdez na magiging transparent at naayon sa batas ang kanilang gagawing pagdinig.--FRJ, GMA News