Posibleng hindi makatanggap ng 13th month pay ngayong taon ang mga manggagawa na nagtatrabaho sa micro, small, and medium enterprises (MSMEs) na "in distress" dahil sa nararanasang COVID-19 pandemic.

Sa panayam ng Super Radyo DzBB nitong Biyernes, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III, na pinapayagan sa batas ang naturang "exemption" sa mga "in distress" na kompanya.

"Under the law, kailangang bayaran ang 13th month pay.  Ang exemption diyan is kapag ang company is in distress," anang kalihim. "Most probably yung mga in distress ay yung galing sa micro, small and medium industries."

Ang tinutukoy ng kalihim ay ang Presidential Decree No. 851, na nagtatakda sa mga employer sa pribadong sektor na magbigay sa kanilang rank-and-file employees ng 13th month pay bago sumapit ang Disyembre 24 ng bawat taon.

Ang 13th month pay sa ilalim ng PD 851 ay dapat katumbas sa 1/12 ng basic annual salary ng empleyado.

Gayunman, kailangan patunayan muna ng kompanya na wala itong kakayanan na ipagkaloob sa kaniyang mga kawani ang 13th month pay.

Ayon kay  Bello, maglalabas ang DOLE ng advisory kung ano ang magiging patakaran para matawag na "in distress" ang isang kompanya.

"Whether they are in distress or not ay magpapalabas kami ng advisory tungkol diyan. 'Yan ang pag-uusapan namin [with stakeholders], gawan natin ng paraan para maipaliwanag natin kung sino yung mga kompanya na considered to be in distress," anang kalihim.

Dahil sa COVID-19 pandemic, maraming negosyo ang nagsara at marami rin ang naghihingalo para manatiling buhay ang kanilang negosyo.  —FRJ, GMA News