Siyam na bilanggo ang nasawi matapos magsagupa ang mga miyembro ng Sputnik at Commando gang sa New Bilibid Prison sa Muntinglupa nitong Biyernes.
Ayon kay Gabriel Chaclag, tagapagsalita ng Bureau of Corrections (BuCor), inaalam pa ang dahilan ng kaguluhan.
Sa isang report ng Southern Police District (SPD), na galing umano kay Chaclag, pito sa mga nasawi ay miyembro ng Sputnik at dalawa sa Commando.
Inaalam pa kung ilan ang sugatan.
Nagsimula umano ang riot dakong 2:30 a.m. at humupa lang dakong 4 a.m.
Nangyari ito sa isang quadrant ng maximum security compound ng NBP.
Ilang armas umano ang nakuha sa Bilibid, ayon pa kay Chaclag.
Sa isang panayam sa GMA News TV "Balitanghali," sinabi ng tagapagsalita ng BuCor na nangako ang mga lider ng gang na hindi na mauulit ang insidente.
"Nakausap na po natin 'yung kani-kanilang leaders at nangako po sila na wala na pong gulong mangyayari from here on, at 'yun naman po ay pinanghahawakan natin dahil sila rin po ang kawawa," anang opisyal.
Inatasan naman ni Justice Secretary Menardo Guevarra si BuCor chief Gerald Bantag, alamin ang ugat ng kaguluhan at magbigay sa kaniya ng ulat.—FRJ, GMA News