Nagtamo ng mga sugat ang isang mag-iina matapos makasalpukan ng sinasakyan nilang kotse ang isang cement mixer truck sa Caloocan City nitong Martes. Ang driver naman ng truck, tumakas.
Sa ulat ni James Agustin sa GMA News "Balitanghali," makikita na naipit ang kaliwang paa ng ina sa kaniyang kotse habang tinutulungang mailigtas ng mga rescuer sa intersection ng A. De Jesus Street at 10th Avenue pasado hatinggabi.
Gumamit ng cutter ang mga rescuer at maingat na inalis ang driver sa sasakyan. Sugatan din ang dalawa niyang anak na isang 20-anyos na babae at 4-anyos na lalaki.
"Pagpunta namin doon ng mga kasamahan kong tanod tsaka ng EX-O namin, 'yun na nga, may naipit na babae, naipit 'yung paa sa manibela. Kasi kung wala siyang air bag patay sigurado siya," sabi ng barangay tanod na si Jeffrey Soriano.
Matapos magbanggaan ang dalawang sasakyan, tumagilid ang cement mixer truck saka dinaganan ang kanilang kotse, na nagresulta sa pagkayupi ng unahang bahagi nito at pagkabasag ng windshield.
Napag-alaman na may laman pang semento ang truck.
Binabagtas ng truck ang A. De Jesus Street samantalang galing naman sa 10th Avenue ang kotse, ayon sa isang saksi.
"'Yung mixer medyo mabilis na kasi, akala niya walang dadaan na ibang sasakyan. Hindi na niya siguro napansin na may sumulpot ding kotse. May narinig po akong kalabog na, ayun nga, nagbanggan itong mixer and then 'yung kotse. So 'yung pagkabangga po, nasadsad 'yung mixer and then kumandong dito sa bumper ng kotse," sabi ng saksing si Jumar Candiza.
Bumangga rin ang truck sa pader ng isang bahay kaya nabutas ito.
Sa hiwalay na ulat ni Mark Salazar sa GMA News "Balitanghali," makikita ang kuha ng CCTV ng Caloocan City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO) ng pinangyarihan ng insidente 12:17 ng madaling araw.
Pareho umanong hindi nag-menor ang cement mixer at ang kotse sa intersection ng A. De Jesus Street at 10th Avenue.
Makikita rin ang paglabas ng magkapatid na babae at isang bata na mga sakay ng pulang kotse.
Ayon sa CDRRMO, nagtamo ang magkapatid ng minor injury sa paa.
Sumakay ang magkapatid ng tricycle para makauwi at humingi ng tulong sa kanilang pamilya, na nakatira malapit lamang sa 12th Street.
Lumabas naman ang driver ng truck at naglakad papalayo na tila walang nangyaring banggaan at tumakas.
Pagkalipas ng 30 minuto, dumating na ang ambulansya ng CDRRMO para kunin ang ina ng mga biktima sa loob ng kotse at dalhin ito sa Metropolitan Hospital.
Binabalak na raw ng CDRRMO na pakabitan ito ng traffic light ang intersection dahil itinuturing na itong major road na daanan ng mga truck papalabas ng EDSA.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News