Apat katao ang nasawi nang bumagsak sa Lantawan, Basilan ang isang rescue helicopter ng Philippine Air Force nitong Miyerkules.
Ayon kay Police Lieutenant Richelle Perez, hepe ng Lantawan Municipal Police Station, bumagsak ang helicopter sa rubber plantation sa lugar.
"Bago lumakas ang ulan, may pumutok daw sa taas. Pumutok bago bumagsak, may explosion pa daw doon sa itaas..." sabi ni Perez sa GMA News Online.
Patuloy pa umano ang imbestigasyon sa dahilan ng insidente.
Kabilang ang mga miyembro ng Isabela City Disaster Risk Reduction and Management Office sa mga unang dumating sa lugar ng pinagbaksakan ng chopper.
Samantala, sinabi naman ni Western Mindanao Command chief Major General Corleto Vinluan, na inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga nasawi at kung kasapi sila ng Air Force.—FRJ, GMA News