Para kay Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Gregorio Honasan II, hindi na raw masama ang kasalukuyang internet "speed" sa Pilipinas na tatlo hanggang pitong Mbps.
Ginawa ni Honasan ang pahayag sa budget deliberations para sa P46- bilyong panukalang budget para sa DICT sa 2021.
“No excuses po, we take full responsibility [sa isyu ng internet speed]. Sa ibang bansa pumapalo sila ng 55 Mbps, tayo naglalaro between 3 and 7 (Mbps), pero hindi na po ito masama,” ayon sa kalihim na dati ring senador.
“Without going into figures, we are not doing too badly, we have improved a lot,” dagdag niya.
Ayon naman kay DICT Assistant Secretary Emmanuel Caintic, bumilis na umano ang internet speed sa bansa na 7.91 Mbps hanggang 25.07 Mbps sa fixed broadband, at nasa 7.4 to 6.25 Mbps naman sa mobile internet.
“Hindi natin ikinagagalak ito kasi ang ating neighbors ay nasa 200 Mbps on fixed broadband at 56.43 [Mbps] on mobile,” pahayag ni Caintic, na nagsabing kailangan talagang ayusin ang telecommunications infrastructure.
“Now more than ever our people need connectivity to carry their livelihood, education and lives,” dagdag ni Honasan.
Para mapabuti pa raw ang mobile connectivity, naglabas ang DICT ng 23 provisional independent tower company (ITC) certificates of registration.
Ang naturang provisional certificate ay magsisilbing provisional authority para makapag-ari, magtayo, mamahala at mag-operate ng "one or more Passive Telecommunications Towers Infrastructures," ayon sa DICT. —FRJ, GMA News