Mas madali pang mahawa sa COVID-19 ang mga motoristang nasa sarili nilang mga kotse kaysa sa mga commuter sa mga pampublikong sasakyan.
Ito ang sinabi ni Secretary Carlito Galvez, ang chief implementer ng government policy laban sa COVID-19 sa diskusyon ng mga opisyal tungkol sa pagbabawas ng social distancing sa mga pampublikong sasakyan.
Naniniwala si Galvez na mainam nang bawasan ang layo ng mga tao sa isa't isa sa mga pampublikong sasakyan mula isang metro hanggang 0.75 na metro.
"Kasi ang transport po talaga is a vehicle for recovery. Kasi kung wala po talaga yung tinatawag na transportation, we cannot recover po," ani Galvez sa pulong kasama si Pangulong Rodrigo Duterte at mga kasapi ng IATF.
"Ang nakikita po natin based din sa studies din mas delikado ang private cars, based din sa studies na nabasa namin," dagdag pa niya.
Dahilan daw ito na ang karamihan ng mga pampribadong sasakyan ay air conditioned at hindi lumalabas ang hangin.
"Ang pinaka-vulnerable po talaga bahay tsaka sa community kasi tinatanggal natin yung mask when we are eating, when we are talking with our friends. Ang pinaka-vulnerable talaga yung workplace," ani Galvez.
Inumpisahan ni Health Secretary Francisco Duque III ang diskusyon nang banggitin niya kay Duterte ang paniwala ng mga eksperto na maaaring bumilis muli ang pagkalat ng COVID-19 dahil sa pagpapatupad ng mas maikling social distancing.
Sinabihan ni Duterte ang mga opisyal na magsumite na kani-kanilang suhestiyon na kung maaari ay visual upang mas madali niyang maintindihan. -NB, GMA News