Hiniling ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) na ipag-utos na suspendihin muna ang mga isinasagawang demolisyon sa mga tahanan habang may COVID-19 pandemic.
"Lahat po sana ng project ng lokal na pamahalaan at nasyonal na pamahalaan na makakaapekto sa ating mga kapatid na informal settlers ay huwag munang ituloy dahil alam ninyo naman po ang panahon, bukod sa mahirap ang buhay meron hong pandemic," ayon kay PCUP chairperson Alvin Feliciano sa panayam ng "Dobol B sa News TV" nitong Biyernes.
"Sabi natin stay at home. Paano magiging stay at home ang isang urban poor at IFS (informal settlers) kung wala na po itong tahanan," dagdag pa ng opisyal.
Kasabay nito, sinabi ni Feliciano na pinag-aaralan din ng kanilang legal unit ang humiling ng moratorium sa mga demolition projects na mayroon nang court order.
"Kung wala pong pre-demolition conference, hindi po puwedeng mag-demolish," giit niya dahil kailangan umanong pag-usapan din ang relokasyon at tulong pinansiyal sa mga maapektuhang pamilya.
Umaasa ang PCUP na mapapalawig ang deklarasyon ng state of calamity pagkatapos ng September 15.
Nitong nakaraang mga araw, may mga demolisyon na naganap sa Maynila at Ozamiz City. Nakatakda ring gibain na ang Vitas tenement sa Tondo kung saan maraming pamilya ang inaasahan na mawawalan ng tirahan.—FRJ, GMA News