Nagpositibo sa COVID-19 si Cardinal Luis Antonio Tagle matapos suriin pag-uwi niya sa Pilipinas, ayon sa Vatican News.
Ayon kay Matteo Bruni, director ng Holy See Press Office, wala umanong sintomas ng sakit si Tagle at naka-mandatory self-quarantine sa bansa.
Dating archbishop ng Manila si Tagle, pero nakabase na siya ngayon sa Vatican bilang "prefect of the Congregation for the Evangelization of Peoples."
Hindi pa malinaw kung bakit siya umuwi ng bansa.
Sumailalim naman daw si Tagle sa COVID-19 test sa Rome noong Setyembre 7 at negatibo ang resulta nito.
Ayon kay Bruni magsasagawa ng kaukulang pagsusuri sa mga taong nakasalamuha ni Tagle nitong nagdaang mga araw.
Si Tagle ang itinuturing unang mataas na opisyal sa Vatican na nagpositibo sa COVID-19.
Kamakailan lang, pinuna ni Tagle ang mga taong nananamantala sa nararanasang pandemya para kumita nang malaki.
“As many people are suffering and getting poorer, there are some businesses and probably individuals who are taking advantage of the situation,” ayon kay Tagle.
“And they know how to capitalize on the sorrow and the needs of others for their profitability,” dagdag niya. --FRJ, GMA News