Naglunsad ang tanggapan ni Vice President Leni Robredo ng website para matulungang makahanap ng trabaho ang mga manggagawang naapektuhan ng COVID-19 pandemic.

Sa ilalim ng programang Bayanihanapbuhay, makikita sa portal na https://sikap.ph, makikita ang mga lugar sa iba't ibang panig ng bansa kung mayroong bakanteng trabaho na maaaring aplayan.

“We have been receiving a lot of SOS messages from people looking for work. When we were doing our shuttle services, we had passengers who were doing door-to-door job applications,” sabi ni Robredo sa isang pahayag.

“We hope that, through this platform, they would have an easier time finding work opportunities,” dagdag niya.

Nitong Huwebes ng hapon, mayroong halos 3,000 job openings mula sa iba't ibang kumpanya na makikita sa website.

Katuwang umano sa naturang proyekto ang EMS Services Philippines, Inc. (ESPI), D.M. Consunji, Inc., Lot's A Pizza, Concentrix, Empire East Land Holdings, AECOM Philippines, GET Philippines, McBride Corporation, Omni Petroleum Corp, at Solarwinds Software Asia PTE LTD - Philippines Branch.

Nanawagan ang tanggapan ng pangalawang pangulo sa iba pang negosyante na makibahagi sa Bayanihanapbuhay at makiisa sa pagkakaloob ng trabaho.

Ang mga interesado ay maaaring magpadala ng kanilang detalye sa bayanihanapbuhay@ovp.gov.ph. — FRJ, GMA News