Inalis na ng National Telecommunications Commission (NTC) ang nakatalagang mga frequency o signal at channel sa ABS-CBN Corporation, dalawang buwan matapos na hindi sila makakuha ng panibagong prangkisa sa Kamara de Representantes.
Sa inilabas na desisyon na may petsang September 9, 2020, binawi na ng NTC ang lahat nang nakatalagang frequency sa radio at TV station ng ABS-CBN dahil sa kawalan ng "valid legislative franchise."
Napaso ang 25 taon na prangkisa ng ABS-CBN noong Mayo 4.
Noong Mayo 5, nagpalabas ng "cease and desist order" ang NTC laban sa ABS-CBN na magpatuloy sa pag-operate ng kanilang radio at television stations dahil sa kawalan ng bagong prangkisa.
Pinagpaliwanag din ang ABS-CBN kung bakit hindi dapat alisin sa kanila ang mga nakatalagang frequency sa kabila ng kawalan nila ng prangkisa.
Nitong nakaraang July 10, nagdesisyon ang House Committee on Legislative Franchise na tuluyang ibasura ang aplikasyon ng ABS-CBN sa panibagong prangkisa dahil sa umano'y mga paglabag ng network sa dati nilang prangkisa.
“Indubitably, the denial of Respondent’s franchise renewal application by Congress, coupled with the denial of Respondent’s Petition by the Supreme Court, lead to no other conclusion except that Respondent had already lost the privilege of installing, operating, and maintaining radio broadcasting stations in the country,” ayon sa inilabas na desisyon ng NTC.--FRJ, GMA News