Isang panukalang batas ang inihain ni Senate President Vicente Sotto III na magtatakda sa mga opisyal sa pamahalaan na magsumite ng kanilang medical certificate taun-taon para malaman kung kaya pa nilang gampanan ang kanilang trabaho.
Sa ilalim ng Senate Bill 1818, nakasaad na dapat magsumite ang mga opisyal ng pamahalaan ng medical certificate at laboratory test results bago o pagsapit ng Abril 30 ng bawat taon.
Sa ganitong paraan, sinabi ni Sotto na mapapataas ang antas ng health consciousness sa mga opisyal at kawani ng pamahalaan.
Bukod doon, matitiyak din umano na nasa mahusay na pangangatawan at isipan ang mga nagsisilbi sa gobyerno na kaya nilang gampanan ang kanilang tungkulin.
Sa panukala, ipinaliwanag ni Sotto na ang mga "public officials and employees" ay kinabibilangan ng inihalal at itinalagang ang mga opisyal at kawani, permanent o temporary, at maging ang militar at pulis.
Maaari umanong gawin ang annual physical examination ng mga opisyal at kawani sa public o private hospital, o sa diagnostics clinic na accredited ng Department of Health. — FRJ, GMA News