Suportado ng ilang mga obispo, at gayon din ng pinuno ng Catholic Bishops Conference of the PHilippines-Episcopal Commission on the Clergy ang panukalang pagsasara ng mga sementeryo sa nalalapit na kapistahan ng All Saints at All Souls Days.
Tiniyak ng Arkidiyosesis ng Ozamiz na susunod sa mga panuntunan na ipatutupad ng pamahalaan kaugnay sa nalalapit na Undas.
Sa panayam sa Radio Veritas, sinabi ni Archbishop Martin Jumoad na tatalima ang arkidiyosesis sa rekomendasyon ng National Task Force against COVID-19 na ipagbawal ang pagdalaw sa mga sementeryo sa a-uno at ika-2 ng Nobyembre bilang pag-iingat na magkahawaan ng coronavirus.
"Let's follow the suggestion of Inter Agency Tasks Force; we are in this pandemic and this is temporary," pahayag ni Jumoad.
Ayon sa Arsobispo, sa pagpupulong ng mga pari ng arkidiyosesis nitong ika - 9 ng Setyembre ay napagkasunduan na ipagpatuloy ang pagdiriwang ng Banal na Misa sa paggunita ng araw ng mga santo sa unang araw ng Nobyembre at paggunita ng mga yumaong mahal sa buhay sa ikalawa ng buwan.
Tatalima din ang Diocese of San Pablo,Laguna sa maging kautusan ng pamahalaan na isara sa publiko ang lahat ng sementeryo.
Inihayag ni San Pablo Bishop Buenaventura Famadico, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Clergy na nararapat na sundin ang panuntunan ng pamahalaan para sa kagalingan ng mamamayan.
“Kung ano ang ipag-uutos ng gobyerno susundin yon para na rin sa pansariling kagalingan at kagalingan ng nakararami.”mensahe ni Bishop Famadico sa Radio Veritas.
Nilinaw naman ni COVID-19 testing czar Vince Dizon na hindi pa pinal ang mga panuntunan sa paggunita ng All Saints at All Souls Days ay kanilang irerekomenda sa pamahalaan na pansamantalang ipagbawal ngayong taon ang pagdalaw sa mga sementeryo.
Sa lungsod ng Maynila, naunang humingi ng paumanhin si Mayor Isko Moreno sa mamamayan na pansamantalang isasara ang mga sementeryo sa ika-31 ng Oktubre hanggang ikatlo ng Nobyembre upang maiwasan ang pagdagsa ng mga tao.
Hinimok naman ni Archbishop Jumoad ang mamamayan na dumalaw sa puntod ng mga mahal sa buhay sa ibang mga araw bilang pag-iingat at pangangalaga sa kalusugan.
"My advice which is the position of the Archdiocese is to continue to say Mass on November 1 and 2 for the souls in purgatory but not administer the usual Responso sa puntod for health reasons," dagdag pa ni Archbishop Jumoad.
Kaugnay nito, hinikayat ni Bishop Broderick Pabillo, Apostolic administrator ng Archdiocese of Manila ang mananampalataya na maagang pabasbasan sa mga pari ang puntod ng mga mahal sa buhay. —LBG, GMA News