Nakahanap ng murang paraan upang makasagap ng WiFi connection ang ilang residente sa Baseco Compound sa Tondo, Manila upang makadalo sa online class ang mga estudyante o maging ang ibang tao na kailangang mag-internet.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, ipinakita ang WiFi vending machine na puntahan ng mga taong kailangan ng internet connection.
“Sa eskwelahan din po, nagagamit siya tapos sa Youtube at tsaka ‘pag may sinisearch sa Google, mas madali na po,” ayon sa isang estudyante.
Ayon kay Dina Mira, namamahala sa vending machine, maraming kapitbahay niya ang tumatangkilik sa kanilang piso WiFi.
“Sa dami po ng tao dito, malakas naman po siya at tsaka nagagamit po siya sa online at tsaka mga YouTube ng mga bata kasi bored sa bahay,” sabi ni Mira.
Para magkapag-internet, kailangan lang maghulog ng P1 sa vending machine para makagamit ng WiFi sa loob ng 10 minuto.
Kung isang oras ang kailangan sa internet, P5 ang dapat ihulog.
Sampung piso (P10) naman para sa tatlong oras na internet.
Mas mura umano ito kumpara sa paglalagay ng load sa cellphone upang magka-data.
Sa WiFi vending machine, may timer kaya makikita kung ilang oras na ang nagagamit ng tao. Bukod dito, puwede ring "i-pause" ang takbo ng timer kung sandaling titigal sa paggamit ng internet.
Gayunman, kailangan manatiling malapit lang sa vendo machine ang gagamit ng Piso WiFi para hindi mawala ang koneksiyon sa internet.--FRJ, GMA News