Inihayag ni presidential spokesperson Harry Roque na kailangang magsuot na rin ng face shields ang mga pupunta sa commercial establishments gaya ng mall.

“Napagkasunduan po ng National Task Force (NTF) na bukod po roon sa pagsusuot ng face shield sa pampublikong sasakyan saka sa trabaho, dapat isuot na rin ang face shield sa mga nakasaradong commercial establishment, gaya ng mga mall,” ayon kay Roque sa panayam ng state-run PTV-4.

Ang NTF na pinamumunuan ni Secretary Carlito Galvez, ay ang tagapagpatupad ng mga patakaran ng pamahalaan sa paglaban sa COVID-19.

Una rito, iniutos ng pamahalaan na bukod sa face mask ay dapat magsuot na rin ng face shield ang mga tao sa mga pampublikong transportasyon at sa mga lugar ng trabaho.

Ang kautusan sa pagsusuot ng face shield ay batay sa pag-aaral na ayon sa Department of Health ay 99 porsiyentong protektado ang tao laban sa COVID-19 kung naka-face mask, face shield, at sumusunod sa physical distancing.—FRJ, GMA News