Nabalot ng tensiyon ang pagpapaalis ng isang kapitan ng barangay sa isang lalaking palaboy sa Taft Avenue, Pasay City nang maglabas ng baril ang naturang opisyal.
Ayon sa ulat ni Jun Veneracion sa “24 Oras” nitong Lunes, sinabi ni Barangay 40, Zone 5 chairman Diosdidet Morales, na inundayan daw siya ng saksak ng lalaki kaya napilitan siyang bumunot ng baril.
Sabi ni Morales, pinapaalis niya ang lalaki sa bangketa dahil sa reklamo ng mga negosyante.
Mayroon din siyang ipinakitang mga ID na katibayan na may permiso siyang magdala ng baril.
“Nabunot ko lang para takutin lang siya kasi parang wala siyang takot talaga eh,” paliwanag ni Morales.
Sinuportahan naman ng ilang saksi ang paliwanag ng punong barangay.
“Hinampas ng gulay ni kapitan ‘yong pulubi. Siyempre nasaktan eh may ice pick ‘yong lalaki, ipagtatanggol din naman ang sarili,” ayon sa isa pang saksi.
Aminado naman si Morales na nabigla siya sa pangyayari.
“Bilang isang punong barangay, kung malalagay na naman kami kung saan buhay na ‘yong nakataya, minsan nabibigla din po. Tao lang po kami. Sana ‘wag niyo na po akong husgahan,” hiling ni Morales.
“Dito sa barangay namin, sobra eh. Parang wala silang sinisino dito eh. Wala silang kinakatakutan,” dagdag niya.
Samantala, dinala sa presinto ang lalaking nagtangka umanong manaksak kay Morales. Pero makalipas ang isang oras, lumabas ang lalaki sa presinto at naglakad.
"Wala naman ako ginawa sa kaniyang mali eh bakit niya ako babarilin?,” sabi ng lalaki, na muling sinamahan ng pulis nang makita kausap ng GMA News.
Sinubukang kumuha ng pahayag ang GMA News mula sa hepe presinto kung saan dinala ang suspek pero tumangging magbigay ng pahayag.--Ma. Angelica Garcia/FRJ, GMA News