Binaril at napatay nitong Huwebes si Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Board Secretary Wesley Barayuga sa Mandaluyong City.

Sa panayam ng Super Radyo dzBB, sinabi ni Mandaluyong Police chief Police Colonel Hector Grijaldo Jr., na nakasakay sa motorsiklo ang bumaril kay Barayuga sa panulukan ng Calbayog at Malinaw Streets.

“Kakatapos lang yata magtrabaho o galing sa opisina, on the way na siguro itong pauwi, eh, nagkaroon ng ano... sinundan siguro ng suspek natin,” ayon kay Grijaldo.

Lumilitaw sa imbestigasyon na tinabihan ng salarin ang sasakyan ng biktima at pinaputukan sa loob habang nakaupo sa passenger side.

“May isa pong kotse na medyo slow down po siya kasi intersection sa unahan tapos biglang tinabihan po 'to ng suspek at tinira sa passenger side po,” patuloy ni Grijaldo.

 

 

Tinamaan din ng bala ang driver ng biktima at dinala sa ospital.

“Ito pong biktima natin nasa passenger side. May driver po siya. Ngayon na-evac na po natin, papuntang hospital. Hindi pa po natin [alam] kung ano ‘yung sitwasyon nung driver. Pero nung inalis po namin dito sa crime scene buhay pa naman po,” anang opisyal.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa nangyaring krimen.

READ: Pinuno ng Nat'l Center for Mental Health, patay sa pamamaril sa Q.C.

Nito lang Lunes, binaril din at napatay sa Quezon City ang pinuno ng National Center for Mental Health na si Dr. Roland Cortez.--FRJ, GMA News