Nagpahayag ng pangamba si Senador Sonny Angara na posibleng bumagsak na ang ekonomiya ng bansa kapag ibinalik sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang Metro Manila mula sa kasalukuyang general community quarantine (GCQ).
Ang pahayag ay ginawa ni Angara nitong Huwebes, ilang araw matapos sabihin ni presidential spokesperson Harry Roque, Jr., na maaaring ibalik sa MEQC ang Metro Manila kapag umabot sa 85,000 ang positibong kaso ng COVID-19 sa bansa sa pagtatapos ng Hulyo.
Nitong Miyerkules, dalawang araw bago matapos ang Hulyo, naitala na ang higit sa 85,000 na kaso ng COVID-19 positive sa bansa.
“Our economy will probably collapse if we go back to MECQ because that would be postponing the inevitable,” sabi ni Angara, chairman ng Senate Finance Committee sa panayam ng ANC nitong Huwebes.
“A lockdown approach is not a model approach because a model approach is trying to live with COVID-19, not to avoid it,” dagdag niya.
Nang hingan ng komento si Roque sa naging pahayag ni Angara, sinabi nito na hindi umano nalalayo sa pananaw ng senador ang pananaw ng IATF o Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases.
Ang IATF ang pinakamataas na policymaking body na tumutugon sa mga usapin tungkol sa COVID-19.
Sa virtual briefing, sinabi naman ni National Economic and Development Authority (NEDA) Undersecretary Rosemarie Edillion, na sinisikap ng pamahalaan na balansehin ang economic recovery at anti-COVID strategies.
Inihayag din ni Edillion ang naunang posisyon ni Acting Socioeconomic Secretary Karl Chua, na kailangang madagdagan ang [COVID-19] testing capacity para hindi na bumalik sa mas mahigpit na community quarantine ang bansa.
Gayunman, iginiit niya na higit pa rin na mahalaga ang buhay kaysa ekonomiya.
Sa ilalim ng MECQ, pinapayagan ang 50 porsiyento ng mga manggagawa ng bawat kompanya na bumalik na sa trabaho pero bawal ang mass transportation.
Mula nang ilagay sa GCQ ang Metro Manila noong June 1, pinayagan na ang 75 porsiyento ng mga manggagawa sa bawat kompanya na bumalik sa trabaho at makapasada ang 10 hanggang 50 porsiyento ng mass transport.
“Iyong lockdown approach, it is avoiding COVID-19. It is like saying, sige, next week na lang natin gawin ‘yan. But at some point, you have to face it and you have to live with the virus,” paliwanag ni Angara, na isang COVID-19 survivor.
Para kay Angara, kailangang dagdagan ang testing capacity at pahusayin ang contact tracing para mapigilan ang pagkalat pa ng virus.
“We really have to increase testing, whether it is a private company or the government, you have to periodically test your people,” saad niya.
“The virus is alive and thriving. If you tested negative, after two days, it could be completely different,” dagdag ni Angara.—FRJ, GMA News