Isa na namang bus ang ipatatawag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Land Transportation Office (LTO) matapos na salpukin ang concrete barrier na naghihiwalay sa kanilang dadaanan o busway sa EDSA. Ang mga opisyal ng dalawang bus na nasangkot din sa katulad na insidente, tila idinepensa naman ang kanilang mga driver kaya nasasagi ang mga bato.
Sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, ang insidente ng pagbangga sa MSJ Tours bus sa mga concrete barrier ay nakuhanan sa dashcam ng isang motorista kaninang umaga sa bahagi ng Ortigas.
Sa video, makikitang tumilapon pa sa kabilang bahagi ng EDSA ang concrete barrier at mabuting walang ibang sasakyan na tinamaan.
Nawasak ang harapan sa kanang bahagi ng bus na minamaneho ni Jervin Mamac.
Ang MSJ Tours bus ang ikatlong bus na tumama sa mga bato sa loob lang ng mahigit isang linggo.
Una nang nakuhanan ng video ang humaharurot na Joanna Jesh Transport bus at ang Roval Transport Public Utility bus na parehong hindi tumigil kahit nasagi nila ang mga concrete barrier.
Sa paharap nila sa imbestigasyon ng LTO, tikom umano ang bibig ng mga driver ng naturang mga bus.
Pero tila ipinagtanggol naman sila ng kani-kanilang mga operation manager.
Ayon kay Cenon Soriano, na operation manager ng Roval bus, lumitaw sa kanilang imbestigasyon na nagkamali raw sa kalkulasyon ang kanilang driver at napaaga ang pihit ng manibela papalabas ng mga concrete barrier kaya nasagi ng puwetan ng bus ang harang na bato.
Ang operation head naman ng Joanna Jesh na si Alan Nuguit, sinabing nagmukha lang daw mabilis ang takbo ng kanilang bus sa video dahil mabagal ang usad sa linya ng pribadong sasakyan.
Baka rin daw may problema sa pagkakalagay ng mga barrier kaya nahagip ng kanilang bus sa gilid.
Pero kung si EDSA Traffic czar Bong Nebrija ang tatanungin, may malaking kinalaman ang tulin sa takbo ng mga bus kaya nasasagi ng mga ito ang mga bato.
"Pagpalagay natin na wala sa ayos yung barrier, bakit yung iba na dumaan don hindi naman sumabit?," anang opisyal.
Sinabi naman ni LTO Law Enforcement Service Deputy Director Roberto Valera, makikita sa video na sadyang matutulin ang takbo ng mga bus at naging reckless sa pagmamaneho ang mga drayber.
Bukod sa mga multa, posible umanong masuspindi ang lisensiya ng mga driver at maging prankisa ng mga bus operators depensa sa magiging resulta ng LTO at LTFRB.--FRJ, GMA News