Nakitang patay at may tama ng mga baril ang pinuno ng National Center for Mental Health at kasama niya sa Barangay Culiat, Quezon City ngayong Lunes ng umaga.

Ayon sa Quezon City Police District Station 3 chief Police Lieutenant Colonel Benjamin Gabriel, isa sa mga biktima ay si Dr. Roland Cortez, hepe ng NCMH.

Ang isa pang biktima ay si Ernesto Dela Cruz.

Nakita ang mga labi ng mga biktima sa loob ng pulang Toyota Vios na may mga tama ng bala ng baril sa panulukan ng Cassanova Drive at Tandang Sora Avenue.

Batay sa nakalap na impormasyon ng mga awtoridad, nakasakay umano sa motorsiklo ang mga salarin na nakatakas.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Lunes ng gabi, sinabi ng pulisya na tila pinagplanuhan ng mga salarin ang pagpatay sa biktima.

Kinatok pa umano ng mga salarin ang bintana ng sasakya ng biktima na tila siniguro ang target, ayon pa sa pulis.—FRJ, GMA News