Matapos ang mahigit isang linggong pagtatago, sumuko na sa mga awtoridad ang suspek sa pagpatay sa isang 14-anyos na babae sa Caloocan City.

Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, sinabing sinundo ng Caloocan Police sa pinagtaguan nito sa Pampanga ang suspek na si Diomedes Liamez.

Si Liamen ay kapitbahay ng biktimang si Garlene Teria, na nakita ang daguang bangkay sa kanilang bahay sa Barangay I82.

BASAHIN: 14-anyos na babae, pinatay at hinihinalang hinalay sa kanilang bahay sa Caloocan; suspek, nakatakas

Nakadapa sa higaan ang biktima, may mga saksak sa leeg, nakatali ang kamay at paa, at walang saplot pang-ibaba kaya hininalang ginahasa rin siya.

Natukoy na suspek si Liamez dahil nakita siya ng ina ng biktima nang lumabas ng bahay na duguan ang damit.

Ayon sa ina ng biktima, lagi niyang nakakaaway ang suspek.

Sinabi naman ng ka-live in ni Liamez na tumawag sa kaniya ang suspek para ipaalam ang kagustuhang sumuko kaya nakipag-ugnayan sila sa mga awtoridad sa ginawang pagsundo sa kaniya sa Pampanga.

Hindi nagbigay ng pahayag si Liamez pero ayon sa pulisya at sa kinakasama niya, inamin ng suspek ang pagpatay pero itinanggi niyang ginahasa niya ang biktima.

Hindi rin nabanggit kung ano ang dahilan at pinatay niya ang biktima.

Hihintayin naman ng mga awtoridad ang resulta ng awtopsiya sa mga labi ng biktima kung talagang pinagsamantalahan ito.

Bahagya namang gumaang kalooban ng mga kaanak ni Teria sa pagkakadakip sa suspek dahil mabibigyan na ng hustisya ang biktima.-- FRJ, GMA News