"Chill ka lang." Ito ang payo ni Speaker Alan Peter Cayetano kay Senadora Grace Poe matapos sabihin ng huli na may "chilling effect" sa media organization ang ginawang pagbasura ng House Committee on Legislative Franchises sa prangkisa ng ABS-CBN Corporation.
Sa kaniyang Facebook post, sinabi ni Cayetano na "on the right track" umano ang bansa at mali umano ang babala ni Poe tungkol sa mensaheng nais ipahiwatig sa pagkakabasura sa prangkisa ng nasabing network laban sa pamamahayag.
Bagaman sang-ayon daw ang lider ng Kamara de Representantes na magiging "precedent" ang pagkakabasura ng prangkisa ng ABS-CBN, pero ito umano ay paglaban sa pang-aabuso.
"It is precisely the precedent we want to make - that the House of Representatives will never tolerate anyone, including oligarchs, who will abuse the system and cheat both the government and our people. So that this is clear, I ask that she please read the Committee’s findings and the decision," sabi ng kongresista.
Gaya ni Poe, nauna na ring nagbabala si Vice President Leni Robredo tungkol sa umano'y “chilling” effect ng ginawa ng komite sa mga mamamahayag at sa kalayaan sa pagpapahayag.
Kaya naman muling hinikayat ni Cayetano sina Poe at Robredo na basahin umano ang desisyon ng komite at panoorin ang mga ginawang pagdinig para maunawaan ang nangyari.
"The only chilling effect the denial has are on those who would abuse the system and hold cavalier attitudes towards our laws, and even the Philippine Constitution," giit niya.
Una rito, sinabi ni Poe sa isang panayam sa CNN Philippines nitong Lunes, na hindi dapat makaapekto sa mga mamamahayag ang "chilling effect" ng ginawa ng komite sa pagpatay sa prangkisa ng ABS-CBN upang isiwalat ang katotohanan at pagpuna sa pamahalaan.
"I would say that it's foreboding. For many, this will be seen as a warning. Dapat bang matakot ang media? Sana huwag," anang senador.
"Dahil importante talaga ang trabaho ng media para mailahad ang nangyayari at ang taumbayan ang mismong magdedesisyon kung ito ba ay patas o hindi," dagdag niya.
Pero ayon kay Cayetano, may iba pang broadcast network ang dininig din ang prangkisa pero wala namang naging problema.
"That is because their exercise of the freedom of speech and of the Press, was never employed to mask the corporate practices of their owners that screwed the system and our people - to the tune of billions of pesos," giit niya. --FRJ, GMA News