Kung para sa ambisyon lang, pinayuhan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang anak niyang si Davao City Mayor Sara Duterte na huwag na lang tumakbong pangulo ng bansa sa 2022.
Inihayag ni Duterte ang payo sa kaniyang anak sa talumpati nito sa harap ng mga sundalo sa Sulu nitong Lunes na ipinalabas nitong Martes.
"Huwag kang mag-presidente unless you see something na kaya mo para gawin sa bayan," saad ng Punong Ehekutibo.
"[But] for just a matter of ambition? Lay off. Wala ka talagang makukuha diyan, pagod lang," patuloy niya.
Kabilang ang pangalan ng alkalde sa mga lumulutang na maaaring tumakbo sa 2022 election kapalit ng kaniyang ama.
Sa talumpati ng pangulo, sinabi niya na walang pera sa pagiging lider ng bansa maliban kung papasukin umano ang katiwalian.
Katunayan, may mga heneral umano sa militar na mas malaki ang kinikita sa pangulo.
"Trabaho mo presidente? Susmaryosep! Suweldo mo P194,000. May ibang general dito mas malaki pa sa suweldo ko, sa totoo lang," pahayag niya.
"Trabaho ka diyan (presidency), wala kang makuha. Unless gusto mong mamera, ah kaya," dagdag niya.
Nang hingan ng paglilinaw si presidential spokesperson Harry Roque sa naging mga pahayag ni Duterte, sinabi ng una na nais lamang bigyan-diin ng pangulo na “thankless job” ang maging lider ng bansa.
“Ayaw niya na ganyan 'yung buhay ng kaniyang anak. He is saying it’s the most thankless job in the country and he has said that consistently,” paliwanag ni Roque.
“There is no gain to becoming a president unless you’re corrupt. It’s all public service. That’s what he’s saying,” dagdag niya. — FRJ, GMA News