Posibleng umabot sa 80,000 ang bilang ng COVID-19 cases sa Pilipinas sa pagtatapos ng Hulyo, ayon sa pagtaya ng eksperto sa University of the Philippines Institute of Mathematics.
"Tatama talaga ng 70,000 and higit pa. Ang lower estimate natin ngayon nasa 80,000 na eh, sa end of July. 'Yung 70,000 talagang lalampasan na natin," saad ni UP professor Dr. Guido David sa panayam ng "Dobol B sa News TV" nitong Lunes.
Nitong nakaraang linggo, unang inihayag ng grupo ni David na maaaring umabot 70,000 cases ang COVID-19 sa bansa sa pagtatapos ng Hulyo, at 100,000 naman sa susunod na buwan.
Sinabi ni David na nakita nila ang "genuine surge" ng hawahan sa National Capital Region nitong nakaraang mga araw, batay sa nakalap nilang mga datos.
Inaasahan din nila ang pagtaas ng hawahan ng virus sa mga kalapit na rehiyon.
"Asahan talaga nating lalong dadami ang cases and ang problem diyan is hindi lang sa NCR. Madadamay na ulit ang Calabarzon, and maybe even Central Luzon kasi hindi namomonitor masyado ang borders natin under GCQ (general community quarantine) and MGCQ (modified general community quarantine)," paliwanag niya.
Para kay David, hindi niya inirerekomenda na ilagay na MGCQ ang Metro Manila.
Pinanatili ni Pangulong Rodrigo Duterte ang NCR sa GCQ hanggang Hulyo 15, at hindi pa tiyak kung papalitan na ito ngayong linggo.
"Hindi namin nire-recommend ang MGCQ dahil malapit nang mapuno ang mga hospital natin and ayaw natin ma-overwhelm sila," sabi ni David.
Mas inirerekomenda ni David na manatili pa rin ang NCR sa GCQ o ibalik sa mas mahigpit na community quarantine kung kakayanin ng ekonomiya.
"Kapag manatili tayo dito (GCQ), dadami talaga ang cases. Dapat mas prepared ang hospitals natin sa increased number of cases," saad ng eksperto.
Hanggang nitong Hulyo 12, umabot na sa 56,259 ang COVID-19 cases sa Pilipinas. Sa naturang bilang, 1,534 ang nasawi at 16,046 ang gumaling.—FRJ, GMA News