Ang tinuturong lider ng isang umanong drug and gun-for-hire group ay dead on the spot sa isang buy-bust operation sa Laguna, ayon sa ulat ni John Consulta sa "24 Oras" nitong Sabado.
Napatay sa operasyon si Raymond Baldemora, alias MakMak, ang tinuturong lider ng Jhondy Baldemora drug and gun-for-hire group na nago-operate sa Rizal at sa 4th district ng Laguna.
"Siya po ay nasa top three priority regional, high-value individual ng PRO 4-A. Siya po ay nasa original list... noong araw," ani Police Colonel Serafin Petalio, ang provincial director ng Provincial Police Office ng Laguna.
"Nu'ng nakulong siya sa provincial jail, eh nagkaroon siya ng contacts lalo. Hanggang sa naka-contact siya sa mga remnants ni Buratong ng Pasig," idinagdag nito.
Nakuha sa suspek ang dalawang armas at mahigit P1 million halaga ng shabu.
Ang suspek ang tinuturong nakapatay sa isang pulis at nakasugat sa isa pang pulis sa isang buy-bust operation sa Rizal noong 2019.
"Malaki ang magiging impact nito lalong-lalo na sa Laguna dahil hindi lang gun-for-hire. Allegedly, siya pa 'yung nag-papasimuno ng robbery [at] holdup," sabi ni Brigadier General Vic Danao, ang regional director ng PRO 4-A. — Joahna Lei Casilao/DVM, GMA News