Binuweltahan ni Speaker Alan Peter Cayetano si Vice President Leni Robredo dahil sa pahayag ng huli tungkol sa mga mali umanong prayoridad na tinatalakay sa Kongreso.
Sa talumpati ni Cayetano sa pagtatapos ng pagdinig ng House joint panel sa prangkisa ng ABS-CBN nitong Huwebes, iginiit ng lider ng Kamara de Representantes na hindi nagpabaya ang kapulungan sa tungkulin nito sa pagtugon sa iba pang problema ng bansa kahit pa tinalakay nila ang usapin ng nasabing network.
"Nung hindi namin tine-take up ang issue ng ABS-CBN, sabi ng pangalawang pangulo, i-take up niyo agad. Ngayong tine-take up natin marami raw mas importante," sabi ni Cayetano.
"Yes, as required of us and despite valued reservation, we have tackled the contentious matter of the franchise application of ABS-CBN. But away from public limelight and media scrutiny, we have also prioritized the needs of our citizens in response to our current crisis," dagdag niya.
Sa panayam sa radyo nitong Miyerkules, sinabi ni Robredo na dapat dagdagan ang benepisyo sa mga medical frontliner para hindi na sila mangibang-bansa.
"Yung number one talaga, suweldo. Yung number one talaga iyong benefits na binibigay sa frontliners. Kasi kaya lang naman sila lumuluwas kasi mas mabuti yung opportunities sa labas—opportunities sa suweldo, sa benefits," anang pangalawang pangulo.
"So sana, halimbawa sa Congress, sana imbes na pinag-uusapan yung mga bagay na hindi naman nakakatulong, sana ito na iyong ginagawa, ‘di ba?" dagdag niya.
Ayon kay Cayetano, ilang panukalang batas ang naipasa na ng Kamara na patungkol sa usapin ng OVID-19 pandemic.
Kabilang umano rito ang Bayanihan to Heal As One Act, ang mungkahing COVID-19-Related Anti-Discrimination Act, at Accelerated Recovery and Investments Stimulus for the Economy.
Mayroon din umanong 10 panukalang batas at resolusyon na tatalakayin patungkol sa pagtulong sa mga frontliner.
"Hindi natutulog sa pansitan ang Kongreso. I say this for the benefit of the vice president, who despite appearing to be clueless as to the real work of this Congress, has nonetheless felt it's her duty to instruct this House on how it should conduct its business," pahayag ni Cayetano.
"Ginagawa namin ang trabaho namin, hindi lang nala-live sa TV lahat ng aming hearing," patuloy niya.
Inatasan ni Cayetano ang Press and Public Affairs Bureau of the House na bigyan ng kopya ang Office of the Vice President ng mga kopya ng mga panukalang batas na makatutulong umano kay Robredo para sa mga ilalabas nitong pahayag sa hinaharap.— FRJ, GMA News