Inihayag ng Malacañang na papayagan na ang magkaangkas sa motorsiklo pero para lamang sa mag-asawa.
Sa televised briefing nitong Huwebes, sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque na kailangan ding magdala ng photocopy ng marriage contract ang mag-asawa para ipakita sa mga awtoridad.
“Hindi naman po kinakailangan ‘yung original [certificate],” saad ng opisyal.
“Inuulit po natin na itong back-riding po ay para lamang sa mga mag-asawa, para lang sa mga pribado, hindi po kasama diyan ang [ride-hailing firm] Angkas dahil nawala na po ang prangkisa ng Angkas,” paliwanag ni Roque.
Sa naunang pahayag ni Interior Secretary Eduardo Año, sinabi ng opisyal na papayagan na ang mag-asawa at magka-live in na magkaangkas sa motorsiklo simula sa Biyernes, July 10.
Idinagdag ni Roque na isasapinal ng COVID task force ang panuntuhan sa motorcycle back-riding sa Biyernes. — FRJ, GMA News