Sinampahan na ng mga kaso ang babaeng Chinese na nanakit umano ng isang siklista at nandura pa ng isang security guard sa Makati City, ayon kay Police Colonel Oscar Jacildo, hepe ng Makati City Police.
"Nainquest na namin kanina... We file cases of assault to persons in authority, that's one... two, physical injuries... three is disobedience noong Art. 151 noong RPC natin," sabi ni Jacildo sa GMA News Online nitong Huwebes.
Ayon kay Jacildo, isinampa na ang mga reklamo laban sa nasabing dayuhan sa Makati City Prosecutor Office.
Dagdag pa ng hepe, nakipag-ugnayan na rin sila sa mga kinauukulan sa Tsina para malaman ang status ng 27-anyos na si Dong Li.
"We have already coordinated with Chinese Embassy and Bureau of Immigration to determine ang status niya," ani Jacildo.
Ayon sa siklista, nais ng babae na tumawid sa panulukan ng Jupiter at Makati Avenue kahit pinipigilan siya ng isang traffic enforcer.
Kita sa video na dinuro-duro ng babaeng dayuhan ang siklista, sinipa ang bisikleta nito, tinusok ng payong at pinalo pa ulo. Pero sa kabila nito, hindi gumanti o lumaban ang siklista.
Sa isa pang video, nakitang nakaposas na ang dayuhan habang nakaupo sa sahig matapos na magwala naman sa isang kainan at nanira ng mga lamesa. Nakuhanan rin itong dinuruan ang rumespondeng guwardiya. —Jamil Santos/KBK, GMA News