Dahil hindi makapagtrabaho at nawalan ng kita sa pagiging masahista bunga ng pandemya, isang grupo ng mga bulag sa Baras, Rizal na dumiskarte na sa pagkanta sa mga bahay-bahay para makahingi ng limos.

Sa ulat ni Dano Tingcungco sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, makikita ang mga bulag na naglalakad at may dalang microphone at speaker habang umaawit sa kalsada.

"Usually kami po sa mga mall po kasi nagma-massage pero mula po nung mag-lockdown as in zero work po kami kasi direct contact po kami," paliwanag ni Mary Jane Biglain.

Dahil sa COVID-19, hindi pa muna pinapayagan ng pamahalaan na ibalik ang serbisyo ng pagmamasahe.

Dumulog na raw sa lokal na pamahalaan ng Baras ang grupo ng mga bulag at napagkalooban naman daw sila ng isang sakong bigas at pamasahe pauwi.

Pero dahil may iba pa silang pangangalan para sa pamilya, lumalapit din sila sa pamahaang panlalawigan ng Rizal pero sinabihan sila na wala pang programa para sa katulad nilang nawalan ng trabaho.

Ayon kay Rizal acting governor Reynaldo San Juan Jr., nakaugnayan ng social welfare department ang mga bulag at nabigyan sila ng mga gamot at bitamina dahil may dala raw resita ang mga ito.

"Iyon nga lang po umalis sila siguro hindi po nagkaintindihan," saad ng acting governor at sinabing mayroon namang financial and livelihood assistance ang pamahalaang panlalawigan para sa persons with disabilities (PWDs) pero kailangang dumaan sa proseso.

"Kung ang talagang request po nila financial assistance or kung trabaho, livelihood bibigyan natin," ayon kay San Juan. "Kung may mga requirements po tayo na binibigay sa kanila they have to comply. Kung hindi naman po kaya, ginagawan po natin ng pamamaraan." —FRJ, GMA News