Magiging memorable ang surprise birthday party na ginawa ng isang magkakaanak sa Texas, USA; hindi lang dahil sa kasiyahan kung hindi dahil sa pagkakahawa ng COVID-19 ng 18 katao. Kabilang sa mga nahawahan ay mag-asawang nakatatanda at isang cancer patient.

Sa ulat ng online news na wtsp.com, sinabing nangyari ang surprise party noong nakaraang buwan sa North Texas, kung saan isa sa mga dumalo sa pagtitipon ay mayroong nararamdamang bahagyang ubo.

Ayon kay Ron Barbosa, volunteer member ng emergancy medical team, hindi siya dumalo sa naturang pagtitipon, at ang asawa niyang doktor, bilang pag-iingat.

Ang party ay para sa kaniyang manugang na babae na nagdiriwang ng ika-30 kaarawan, at ang nag-organisa ng pagtitipon ay pinsan niya na hindi alam na may COVID-19 pala.

Pito sa mga nahawahan ay sumipot sa party, at ang 10 iba pa ay hindi dumalo at pinaniniwalang nahawahan ng mga dumalo sa party.

Kabilang sa tinamaan ng virus ay ang mga magulang ni Barbosa na higit 80 anyos na, at kapatid niyang may cancer at sumasailalim sa chemo theraphy.

Dalawang nakatatanda pa at dalawang bata ang dinapuan din ng virus

Ang kapatid ni Barbosa, bumubuti na umano ang kalagayan pero malubha ang kalagayan ng kaniyang mga magulang. Ang kaniyang ama, na nasa ICU at nanganganib na ilagay sa ventilator.

Inakala lang umano ng kaniyang pinsan na ordinaryong ubo lang ang nararamdaman na bunga ng trabaho sa construction.

Pero huli na raw ang lahat nang isa-isa nang magkasakit ang kanilang mga kamag-anak, ayon kay Barbosa.

Hindi naman daw sabay-sabay dumating sa party ang mga bisita na tinatayang nasa 25 katao. Sinikap din daw ng mga dumalo sa party na ipatupad ng physical distance at ilang oras lang itinagal nito.

Karamihan naman daw sa iba pang kaanak nilang dinapuan ng virus ay nakarekober. Pero hindi maiwasan ni Barbosa na malungkot sa kalagayan ngayon ng kaniyang mga magulang. --FRJ, GMA News