Sa lahat ng ahensiya ng pamahalaan, ang National Telecommunications Commission (NTC) ang hindi inakala ng mga senador na mahihirapang makasali sa "hybrid" hearing nila. Pero nangyari ito sa pagdinig nila nitong Huwebes kung saan tinalakay ang ginagawang paghahanda ng pamahalaan kaugnay sa darating na pasukan kung saan may online classes.
Kabilang sina NTC Commissioner Gamaliel Cordoba at Deputy Commissioner Edgardo Cabarios sa mga inimbitahan ng Senate committee on basic education, para pag-usapan ang paghahanda ng pamahalaan sa "blended forms of learning" para sa pasukan sa harap ng pandemiya.
Pero laking dismaya ng mga mambabatas nang hindi makasali sa pagdinig via online ang mga opisyal ng NTC dahil sa pinaniniwalaang "glitch."
"Walang signal ang NTC ah. It's [not] a very good omen. NTC, naririnig nyo kami? Dapat pinakamalakas na signal is NTC. I think you're just here in Metro Manila," sabi ni Senador Francis Tolentino.
"NTC you don't have any signal. NTC are you still practicing state of the art technology? We can't hear you," dagdag ng mambabatas.
"Commissioner Cabarios okay na ba ho kayo? Commissioner Cabarios? Mukhang may technical problems po ang NTC," saad ni Sen. Sherwin Gatchalian, chairman ng komite.
"'Pag may technical problems po ang NTC, parang nawawalan na po ako ng pag-asa sa online learning na mangyayari sa bansa ho natin dahil ang NTC po ang regulator ng telcos," dagdag niya.
Hanggang sa matapos ang pagdinig, walang kinatawan mula sa NTC ang nakasali.
"Hybrid" ang paraan ng pagdinig na ginagawa sa Senado kung saan may ilang mambabatas na nasa kapulungan at may via online bilang pag-iingat sa COVID-19.
Dahil na rin sa pandemiya, ipinagbabawal ang face-to-face class sa pagbubukas ng klase sa Agosto 24. Sa halip, gagawin ang klase via online, printed self-learning modules, TV, at radio.
Una rito, sinabi ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na posibleng mapag-iwanan ang mga mahihirap na estudyante sa online na paraan ng pagtuturo dahil marami sa mga bata ang walang gadget at walang internet.
Kamakailan lang, nag-viral ang video ng ilang guro sa Davao De Oro na nakitang nakahilera sa gilid ng isang highway dahil sa naturang lugar lang may malakas na internet signal upang makasali sila sa "webinar" ng Department of Education.— FRJ, GMA News