Matanda at maysakit na, wala na raw ibang hiling ngayon ang isang lolo na sa bangketa na lang ng Sampaloc, Manila natutulog kung hindi ang makauwi sa kaniyang pamilya sa Bicol, at makapiling ang mga anak na kaniyang napabayaan at 20 taon na niyang hindi nakakapiling.
Matapos makita sa social media ang mga larawan at kalagayan ni lolo Bernardo Catacutan Jr., pinuntahan siya ni GMA News reporter Vonne Aquino para kumustahin.
Ayon kay lolo Bernardo, lumuwas siya noon sa Maynila para maghanap-buhay at naiwan niya sa probinsiya sa Camarines Sur ang tatlo niyang anak.
Noong 2010, nagkaroon siya ng tuberculosis.
Sa kaniyang lumang larawan, makikita na malaki ang ibinagsak ng kaniyang katawan.
Aniya, sa nakalipas na 30 taon ay wala raw magandang nangyari sa kaniyang buhay at puro kamalasan lang.
Pero higit sa kagustuhan na bumuti ang kalusugan, mas gusto niyang makauwi na sa Bicol at makita ang mga anak.
Humingi siya ng tawad sa kaniyang mga anak na kinasasabikan niyang makita na kaniya raw napabayaan.
"Nami-miss ko sila...anak ko po 'yan, sa akin po nanggaling 'yan. Ama ako kahit na nagkaganito ako, ama pa rin ako. Gusto kong ibigay sa kanila ang lahat ng kaligayan kaya lang hindi ko nagawa," pahayag niya.
"Naging iresponsable po akong ama, naging makasarili rin ako. Kaya sa mga anak ko, sana mapatawad niyo ako," dagdag niya.
Idinulog ng GMA News sa Manila Social Welfare Department ang kalagayan ni Catacutan at dinala siya sa ospital ng Maynila para masuri.
Ayon sa ospital, hindi naman kailangan i-confine si lolo Roberto kaya niresitahan na lang ng gamot.
Mula sa ospital, dinala naman siya sa shelter sa Delpan Sports Complex para doon muna mamalagi. Tutulungan daw siyang makauwi sa Bicol kapag bumuti na ang kaniyang kalagayan. --FRJ, GMA News