Pinag-aaralan ng Department of Tourism (DOT) ang tinatawag na "travel bubble," kung saan bubuksan na sa mga turista ang mga lugar na wala o mababa lang ang kaso ng COVID-19, ayon sa kalahim ng kagawaran na si Bernadette Romulo-Puyat.
Sa virtual Kapihan sa Manila Bay news forum nitong Miyerkules, sinabi ni Puyat, na dapat na mahigpit na maipatutupad ang health and safety protocols sa mga lugar na bubuksan sa turismo.
Ayon sa kalihim, maraming pasyalan sa bansa ang wala o single-digit lang ang COVID-19 cases.
Gayunman, ikinukonsidera din umano ang alalahanin ng local government unit's (LGU) patungkol sa mga patakaran health at safety protocols.
"That's why we are looking at first the LGUs. Maybe that's why they're hesitant to open at first, because they want to check first the health protocols," sabi ni Puyat patungkol sa posibilidad na magkaroon ng virus outbreaks dahil sa "travel bubble."
Ayon sa kalihim, may mga ulat na mayroon mga bansang katulad ng Australia at New Zealand, na pinag-aaralan ang "travel bubble" para sa dalawang nabanggit na bansa.
Ilang bansa rin umano sa Southeast Asia ang plano itong gawin.
Kabilang ang sektor ng turismo sa mga labis na naapektuhan ng COVID-19 pandemic.
Nitong nakaraang Mayo, sinabi ng DOT na umaasa sila sa lokal na turismo para dahan-dahan na makabangon ang Philippine tourism.—FRJ, GMA News