Nilinaw ni Senador Sonny Angara na "walang personalan" nang pumirma siya sa isang resolusyon sa Senado na humihiling na magbitiw sa puwesto ni Health Secretary Francisco Duque III dahil sa mga maling diskarte umano nito sa pagtugon sa COVID-19 crisis.
Sa panayam sa online program na “Quarantined with Howie Severino” nitong Martes, sinabi ni Angara na dismayado silang 14 na senador na pumirma sa resolusyon sa mabagal na aksyon ni Duque sa pagtugon sa krisis tulad ng mabagal na testing at contact tracing sa bansa.
“No offense, nothing personal against Secretary Duque. He's a gentleman. He's a very nice guy. Pero parang 'yung urgency given the emergency nature of the situation, parang kailangan medyo bibo 'yung naghe-head kasi hindi lang siya [basta] DOH Secretary,” ayon kay Angara, na pinuna rin ang kawalan umano ng maayos na koordinasyon sa iba't ibang sangay ng gobyerno.
“He's also the IATF head, 'yung task force to integrate. So kumbaga lahat siya ang nagmamando, eh. He's leading all the efforts. Hindi lang within Health pero pati 'yung... in some extent even 'yung peace and order efforts kasama siya du’n,” paliwanag pa ng mambabatas.
“Hindi ma-maximize ‘yung kaya nating gawin, ‘yung kapasidad ng gobyerno, the various abilities of the government to react to the pandemic,” patuloy ni Angara.
Kaya naman naniniwala pa rin si Angara na nararapat ang kanilang ginawang panawagan na magbitiw si Duque, batay sa resolusyon na ginawa nila noong Abril.
“Palagay ko, hindi naman kami nagkamali, dahil we made the resolution or decision maybe a month and a half or two months ago. At nakita natin hindi talaga nakahabol ang health response sa lockdown and quarantine ng pamahalaan,” giit ni Angara.
“[A]ng ideal situation diyan is mayroon tayong quarantine for six or ten weeks, tapos humahabol ang testing para pagka-lift ng quarantine, na-identify natin and we are able to control certain communities,” paliwanag niya.
Bagaman kasama sa mga pumirma sa resolusyon at kaalyado ng administrasyon, nanatili sa posisyon si Duque at nanatiling tiwala sa kaniya si Pangulong Rodrigo Duterte.
Pero kamakailan lang, muling nabuhay ang panawagan na magbitiw si Duque dahil sa umano'y "nakalilito" niyang mga pahayag tulad ng nasa "second wave" na ang COVID-19 infection sa bansa at hindi umano nanghahawa ang mga pasyenteng walang sintomas ng sakit o asymptomatic.
Nabatikos din si Duque sa pagkakaantala ng pagbibigay ng benepisyo para sa mga health worker na nasawi o matinding tinamaan ng COVID-19 habang nakikipaglaban sa pandemya.
Inamin ni Duque sa harap ni Duterte ang pagkukulang pero ibinato niya ang sisi sa kaniyang mga tauhan. Pagkaraan ng ilang araw, sinasabing naibigay na ang mga benepisyo alinsunod sa direktiba ng pangulo.--FRJ, GMA News