Sa harap ni Pangulong Rodrigo Duterte, inamin ni Health Secretary Francisco Duque III ang pagkukulang sa hindi naibigay na kompensasyon sa mga health worker na nasawi at malubhang tinamaan ng COVID-19. Pero ibinato niya ang sisi sa kaniyang mga tauhan.
“Nakakahiya talaga, sir, eh. Namatayan na nga tapos nagpa-wardy wardy 'yung mga tao ko na parang walang sense of urgency. ‘Yun talaga ang sama-sama ng loob ko, Mr. President,” sabi ni Duque sa ginanap na televise briefing nitong Biyernes sa pangunguna ni Duterte.
Inatasan na umano ni Duque ang kaniyang mga tauhan na kumilos para maibigay na ang mga benepisyo.
“I am sorry to drag you into this far away province,” sabi naman ni Duterte kay Duque dahil ginawa ang briefing sa Davao City.
Una rito, binigyan ni Duterte ng palugit ang DOH nang hanggang June 9 para maipatupad ang probisyon sa Bayanihan law, na nagtatakda na bigyan ng P100,000 benefit ang mga health worker na malubhang tinamaan ng COVID-19 sa pagtupad sa kaniyang trabaho.
Samantalang P1 milyon naman ang dapat ibigay sa mga naulila ng mga health worker na nasawi dahil pa rin sa virus na kanilang nakuha dahil sa paglaban sa COVID-19.
“And if we have to move fast, I will sacrifice you even if you are not really a laggard,” sabi ni Duterte.
“There are so many well-intentioned and well-meaning Filipinos, doctors and all, who would want to serve [the] government to contribute to humanity. And we do not have to suffer,” dagdag niya.
Sa naturang briefing, inatasan ni Duterte si Duque na bumuo ng bagong grupo na mamamahala sa pamamahagi ng cash assistance sa mga health worker na naapektuhan ng virus. --FRJ, GMA News