Nakaligtas man sa kamatayan mula sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), patuloy naman ang kalbaryo ng isang single mom sa Quezon City dahil pinapalayas na siya ng kaniyang kasera sa inuupahang bahay dahil wala siyang pambayad sa renta ngayon panahon ng pandemic.
Sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, umiiyak na inihayag ni Mary Glen Dosal ang naging pagtatalo nila ng kaniyang kahera na si Vicky Mariveles dahil utang niyang P7,000 para sa dalawang buwan na renta sa Barangay Batasan Hills, Quezon City
WATCH: Kuya Wil, tinulungan ang buntis na 'di makabayad ng upa sa bahay
Napag-alaman na buwan ng Marso nang tamaan ng COVID-19 si Dosal. Dahil sa kaniyang naging karamdaman at lockdown, hirap na siyang makahanap ng trabaho bilang isang certified caregiver.
“Wala na po akong trabaho. Galing pa ako sa sakit, may tatlo pa akong anak, single mother po ako. Sa’n po ako kukuha?” saad niya.
Sa isang video, makikita na pinagsasabihan ni Mariveles si Dosal kung kailan aalis ng bahay. Pinagharap na sa barangay ang dalawa at napagkasunduan na aalis na lang sa bahay si Dosal sa Hunyo 15, kahit hindi na bayaran ang kaniyang utang.
Kahit wala pa ang takdang araw ng pag-alis, pinili ni Dosal na umalis na sa bahay at makitira sa kapatid dahil hindi niya matiis ang mga masasakit umanong sinasabi ng kahera na nadidinig pa raw ng kaniyang mga anak.
Napag-alaman na biyuda na si Dosal at mag-isa niyang itinataguyod ang tatlong anak.
“Kung maririnig mo ‘yung sobrang sakit na pati personal na buhay ko nadadamay kasi naririnig ng anak ko e,” emosyonal niyang pahayag.
Ngunit ayon kay Mariveles, wala rin siyang ibang pinagkakakitaan at sinira pa umano ni Dosal ang ilang gamit sa bahay.
“Biyuda po ako… wala rin akong hanapbuhay. Unawain mo naman ‘yung may-ari kasi ‘yan din ang inaasahan ng may-ari. Wala naman ‘yang ibang pinagkakakitaan kundi ‘yan,” paliwanag niya.
Ayon sa Department of Trade and Industry (DTI), hindi dapat puwersahin ng may-ari ng paupahan na paalisin ang mga umuupa sa kanila dahil sa hindi makabayad sa panahon ng pandemya.
“The grace period will begin either upon the lifting of whatever community quarantine. Puwede siyang hindi pa magbayad or gamitin niya ‘yung memorandum circular on rental natin. Ang 30-day grace period will already commence at the time that she is able to work,” paliwanag ni DTI Undersecretary Ruth Castelo.
“The general assumption kasi on rentals is that if you’re a lessor, ibig sabihin may property ka, meron kang ibang sources of income and then there’s also the deposit and downpayment,” dagdag niya.
Ang mga nangungupahan na nahaharap sa katulad na problema ay maaari umanong dumulog sa DTI consumer hotline na 1-DTI o 1384. — FRJ, GMA News