Sa panahon ngayon, halos 70 million ng populasyon sa Pilipinas ay gumagamit na ng internet, at mas lalo pang tumaas ang paggamit nila nitong COVID-19 pandemic. Kaya naman naisipan ng ilang mambabatas na patawan ng buwis ang iba't ibang internet srvices at application tulad ng Facebook, Google at Netflix.
Ayon sa ulat ni JM Encinas sa "Stand For Truth," inilahad ng Opensignal Philippines na tumaas ng 55% ang oras ng smartphone users gamit ang WiFi nitong quarantine period.
Sa datos naman sa Statista, umabot sa P53 trillion ang itinaas ng e-commerce market noong 2019.
Kaya ipinanukala ni Albay Representative Joey Salceda sa ilalim ng House bill 6765 o Digital Economy Taxation Act of 2020 na lagyan ng tax ang internet-based services.
Bukod sa Facebook, Google, Netflix, at Spotify, lalagyan din ang e-commerce sites kabilang ang Lazada, Shopee at Zalora.
Para masingil ng tax, kailangang magkaroon ng pisikal na opisina sa bansa ang Netflix at Spotify at maging registered entity sila sa Securities and Exchange Commission at Bureau of Internal Revenue.
Magsisilbi namang network orchestrator bilang witholding agents ng income tax ang mga service-based companies naman gaya ng Shopee, Lazada, Zalora, Angkas, Grab, Airbnb, Foodpanda at Upwork.
Subject naman sa 12% VAT ang digital advertising services tulad ng Facebook Ads at Google Ads.
"So may mga natural certain breaker na po tayo. Hindi po natin hinahabol ang maliliit. Hinahabol natin si Facebook, hinahabol natin si Netflix, hinahabol po natin si Google," paliwanag ni Salceda.
Kung maaprubahan ang panukala, aabot sa P29. 1 billion ang magiging annual revenue ng gobyerno.
Inaasahan itong maisabatas Setyembre ngayong taon. Gayunman, naghayag ng pangamba ang ilang users. Panoorin. --Jamil Santos/FRJ, GMA News