Umaasa si Pangulong Rodrigo Duterte na kabilang ang China sa mga bansa na unang makagagawa ng bakunang panlaban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
"I'm very sure that they will be the first, one of the countries that will be able to come up with the vaccine," sabi ni Duterte sa pakikipagpulong niya sa mga opisyal ng pamahalaan nitong Huwebes ng gabi.
Ayon pa sa pangulo, hindi lang umano nagyayabang ang China tungkol sa ginagawang pagsasaliksik sa gamot laban sa virus na sinasabing nagmula sa Huwan CIty sa China rin.
"The target is September. I think China will be able to distribute, if I'm not mistaken, and the other countries are catching up. Everybody is at it and they are really tying their very best," dagdag pa ng pangulo.
Sa naturang pulong, inanunsiyo ni Duterte na ilalagay na sa general community quarantine ang Metro Manila, mula sa kasalukuyang modified enhanced community quarantine simula sa Hunyo 1.
READ: Duterte: Metro Manila, GCQ na simula sa Hunyo 1
Ang anunsiyo ay ginawa ni Duterte sa televised address ilang oras matapos na ibalita ng Department of Health na 15,588 na ang COVID-19 cases sa bansa matapos na makapagtala ng 539 na mga panibagong kaso.
Ito ang pinakamataas na bilang ng mga bagong COVID-19 cases na naitala sa bansa sa loob ng isang araw. Pinakamarami nito (330 cases) ay nanggaling sa Metro Manila.—FRJ, GMA News