Inihayag ni Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones na hindi niya papayagan ang face-to-face na klase ngayong school year dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
“I would like to emphasize: There is no conflict, there is no disagreement, there is no debate between the pronouncement of the president and of the department because they are exactly the same,” saad ni Briones sa public briefing nitong Huwebes.
“We will not allow face to face na physical na…nagdidikitan ang mga bata. Hindi papayagan 'yan din ng DepEd,” patuloy niya.
Una rito, sinabi ng isang opisyal ng DepEd nitong nakaraang linggo na ang face-to-face classes ay nakasalalay sa risk level ng mga lugar kung saan naroroon ang paaralan.
Nitong Lunes naman, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na makabubuting ipagpaliban ang pagbubukas ng klase hanggang wala pang bakuna laban sa virus para hindi malagay sa panganib ang mga estudyante.
Kinabukasan, nilinaw ni presidential spokesperson Harry Roque na ang face-to-face na pagtuturo umano ang tinututulan ni Duterte.
“Ibig sabihin po niyan, habang wala pang bakuna at habang wala pa tayo sa new normal, ‘yung wala na pong community quarantine, hindi pa rin po tayo magkakaroon ng face-to-face classroom na mga klase,” ani Roque.
Giit naman ni Briones, magpapatuloy ang edukasyon sa ibang pamamaraan sa harap ng nararanasan pa ring pandemya.
Kabilang umano sa mga alternatibong pamamaraan ng pagtuturo ang blended learning o flexible learning, na puwedeng gamitan ang internet.
Gumagawa na rin umano ang kagawaran ng self-learning modules na iimprenta at ipapamahagi sa mga walang gadget at internet connections.
Nakikipag-ugnayan din umano ang DepEd sa mga service providers at communication experts, at maging sa Communications Operations Office (PCOO) para makamit ang media at digital platforms.
Plano ng DepEd na simulan ang enrolment sa Hunyo, at sa Agosto 24 ang pagsisimula ng klase.—FRJ, GMA News