Patay ang isang dalagita at sugatan naman ang kaniyang dalawang kapatid at lola matapos gumuho sa ilog ang kanilang bahay sa Quezon City.
Ayon sa ulat ni Dano Tingcungco sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, sinabing ang bahay ay pag-aari at ginawa mismo ni Sonny Macabagdal, sa Barangay Obrero.
Lumabas daw saglit ng bahay si Macabagdal nang may marinig siyang malakas na tunog. Naiwan sa loob ang kaniyang 79-anyos na ina at tatlong anak.
Pero ilang saglit na, bumagsak na sa ilog ang kaniyang bahay.
Nasawi ang kaniyang bunsong anak na si Jessalyn, na kakatapos lang daw mag-birthday noong nakaraang Huwebes.
“‘Yung bunso ko may mga sugat din sa parteng mata. Dito (sa likod) may bubog na tumusok…Nandiyan na ‘yan e, tanggapin na lang po,” ani Macabagdal.
Sugatan naman ang ina ni Macabagdal at ang dalawa pa niyang anak na may edad na 12 at 17.
Dinala ang mga biktima sa East Avenue Medical Center.
Ayon kay Macabagdal, siya raw mismo ang gumawa ng bahay nila, na kongkreto ang biga at dalawang dekada nang nakatayo sa tabi ng ilog.
Nangako naman ang gobyerno ng Quezon City na magbibigay sila ng tulong pinansyal sa pamilya Macabagdal.
Kasama rin daw ang pamilya sa mga i-re-relocate sana ng National Housing Authority, ngunit naudlot dahil sa COVID-19 pandemic.--Julia Mari Ornedo/FRJ, GMA News