Arestado ang isang 28-anyos na babae matapos siyang mahuling nag-aalok na i-livestream ang sekswal na pang-aabuso ng 12 menor de edad at isang nasa wastong gulang para sa isang nagbayad na online sex offender sa Butuan City, Mindanao.
Dinakip ng Philippine National Police’s Women and Children Protection Center – Mindanao Field Unit (WCPC-MFU) ang suspek sa kaniyang tahanan nitong Huwebes, Mayo 21, kung saan naroon din ang mga biktima.
Nasagip ang pitong kumpirmadong biktima at anim na batang "at risk," na pinagsamang pitong batang lalaki at anim na batang babae na may mga edad mula isa hanggang 19-anyos.
Lahat ng mga biktima at mga "at-risk" na bata ay mga kapamilya, kamag-anak at kapitbahay ng trafficker.
Hinalughog ng mga operatiba ang bahay ng suspek at nakuha ang ilang electronic devices at resibo. May nakita ring armas, at nadakip din ang live-in partner ng suspek.
Inalok umano ng suspek ang apat na menor de edad at isang nasa wastong gulang para sa sekswal na pananamantala nang naka-livestream.
Natukoy ng Australian Federal Police (AFP) ang dalawa sa mga biktima sa hiwalay na imbestigasyon sa isang Australian sex offender sa Australia, saka sila gumawa ng case referral sa Philippine Internet Crimes Against Children Center (PICACC).
Sasailalim sa pagsusuri ang mga "at-risk" na bata kung sila ay naging biktima rin.
Nakadetine na ang suspek sa isa sa mga estasyon ng Butuan City Police Office samantalang tumatanggap ng trauma-informed crisis intervention ang mga biktima mula sa DSWD – Caraga.
Nahaharap naman sa illegal possession of firearms ang live-in partner ng suspek.
Isinagawa ng WCPC-MFU ang operasyon sa tulong ng Australian Federal Police, Department of Justice – Regional Anti-Trafficking Task Force – Region 13 (DOJ-RATTF - Caraga), Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) 13, Butuan City Police Office, the Department of Social Welfare and Development – Region 13 (Caraga), Police Regional Office 13, Regional Anti-Cybercrime Group 13, Regional Intelligence Division 13, International Justice Mission, at Justice, Peace and Integrity of Creation-Integrated Development Center, Inc (JPIC-IDC). — DVM, GMA News