Tatlong taon makalipas ang madugong pag-atake sa Marawi City, hindi pa rin naisasagawa ang rehabilitasyon sa lugar. At dahil sa krisis na dulot ng pandemyang sanhi ng COVID-19, nananawagan sa pamahalaan ang isang kongresista mula sa Mindanao na huwag kalimutan ang pangakong ibabangon ang lungsod.
"While the country fights the COVID-19 pandemic, the people of Marawi suffers twice in this crisis as they continue to be plagued by an outbreak of government delay and inefficiency in the rehabilitation and reconstruction of their homes three years after the 2017 siege," ayon sa pahayag ni Deputy Speaker at Basilan Rep. Mujiv Hataman.
IN PHOTOS: Two years after siege, no return to normal for Marawi
Hiniling ng kongresista na balasahin ang Task Force Bangon Marawi (TFBM), ang inter-agency body na inatasang ipatupad ang ang Marawi Recovery, Rehabilitation and Reconstruction Program (MRRRP).
"Baka panahon na para balasahin o palitan ang pamunuan ng TFBM. It has been three years and still, the people of Marawi have yet to return to their homes. This is actionable negligence already on the part of TFBM," ayon sa mambabatas.
"A destroyed Marawi should not be the new normal. COVID-19 or not, the rehabilitation must go on. Construction is one activity that is the least susceptible to COVID-19 infection. It is done outdoors and workers by their nature are physically distanced from each other," patuloy niya.
Dahil sa kabiguan umanong maisagawa ang rehabilitasyon ng Marawi, sinabi ni Hataman na nasa 17,000 mamamayan ng Marawi ang nananatiling tumutuloy sa mga pansamantalang tirahan.
"Huwag sana nating kaligtaan ang pagsasaayos ng Marawi sa gitna ng pandemya," pakiusap niya. "Tatlong taon na simula noong 2017 siege, pero hanggang ngayon ay madami pa din ang hindi makauwi sa kani-kanilang tahanan."
Mayo 23, 2017 nang salakayin ng teroristang Maute group ang Marawi habang nasa opisyal na pagbisita sa Russia si Pangulong Rodrigo Duterte.
Oktubre 17, 2017 nang ideklara ni Duterte na ganap nang malaya sa kamay ng mga terorista ang Marawi, kung saan tinatayang mahigit 1,000 katao ang nasawi--kabilang ang mahigit 100 sundalo at pulis, mahigit 800 terorista at mahigit 40 sibilyan.
Bukod sa rehabilitasyon ng Marawi, isinusulong din ni Hataman na maisabatas ang kaniyang panukala na Marawi Compensation Bill, na naglalayong mabigyan ng kompensasyon ang mga residente ng lungsod dahil sa nawala nilang kabuhayan at mga ari-arian.--FRJ, GMA News