Iniutos na umano ni Pangulong Rodrigo Duterte na imbestigahan kung totoong nakaroon ng patong sa presyo ng mga biniling COVID-19 test kits ng pamahalaan.
Ayon kay presidential spokesperson Harry Roque nitong Biyernes, nabahala umano ang pangulo sa mga naglalabasang ulat tungkol sa presyo ng mga biniling COVID-19 test kits na sinasabing mas mahal kumpara sa mga test kits na binili ng pribadong sektor.
“Nais po niya ng kasagutan and investigation kasi hindi po nga niya maintindihan gaya ng buong sambayanan kung bakit ganoon kalaki ang discrepancy,” sabi ni Roque sa isang panayam sa radyo.
Una rito, hiniling ni Senador Franklin Drilon sa Department of Health (DOH) na suriin ang testing package ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Paliwanag ng senador, sasagutin ng PhilHealth ang bawat test sa halagang P8,150, na doble umano ang presyo kumpara sa pribadong sektor, kabilang ang Philippine Red Cross, P4,000 ang singil sa kaparehong test.
Nitong Huwebes, sinabi ni PhilHealth president and chief executive officer Ricardo Morales, ang P8,150 ay para lang sa mga test kits na nakuha noong Marso na limitado pa ang supply.
Tiniyak ni Morales sa publiko na magkakaroon ng updated benefit package rate ang PhilHealth sa susunod na linggo kaugnay sa COVID-19.
Sa isang ulat ng GMA "24 Oras," sinabing ibinaba na ng PhilHealth sa P4,200 ang testing package.
Sinabi naman ni Roque na si Undersecretary Jesus Melchor Quitain ng Office of the Special Assistant to the President, ang mamamahala sa pag-iimbestiga dahil nagsagawa na ito noon ng pagsilip sa iba pang alegasyon ng katiwaliang naganap sa PhilHealth.
Nais ng pamahalaan na hanggang dalawang posiyento ng populasyon ng bansa ang maisailalim sa COVID-19 test.--FRJ, GMA News