Labing-apat na araw lang dapat manatili sa mga quarantine facility ang mga nag-uuwiang OFW bilang pag-iingat sa COVID-19. Pero dahil sa tagal ng pagsasailalim sa kanila sa COVID-19 test at paghihintay sa resulta, tumatagal sila at may inaabot ng higit isang buwan tulad ng isang buntis na galing Dubai.
Sa ulat ni Athena Imperial sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing sa isang hotel na ginawang quarantine facility sa Maynila inabot ng kaniyang kabuwanan ng pagbubuntis ang OFW na si Katherine Bartolome, na taga-San Pablo, Laguna.
“Ang sabi sakin ng OB ko, due date ko is June 2. But since medyo malaki ‘yong baby ko, medyo mas mapapaaga pa raw ‘yong panganganak ko. Maybe, two weeks early,” sabi ni Bartolome.
Ayon kay Bartolome, May 6 sila sinabihan ng Overseas Workers Welfare Administration na isasailalim sa swab test para sa COVID-19.
“May 6, pinuntahan po kami ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA). Sinabihan po kami na isa-swab test kami. Dinala po kami sa Philippine Red Cross sa EDSA po. Sa pagkaka-inform po sa amin, 3 to 5 days lalabas na ‘yong resulta. Hanggang ngayon, wala pa rin po,” kuwento niya.
Sinabi ni Bartolome na nais na niyang makauwi at naaksidente na siya sa pasilidad nang madulas sa banyo.
“Right away, tinawagan ko ‘yong OWWA. Sabi noong midwife, okay lang naman daw kasi hindi naman… wala naman daw akong discharge, hindi ako dinugo. So parang hindi emergency kaya hindi ako madala sa ospital,” dagdag niya.
Inirereklamo na ng ilang OFWs ang pagtagal nila sa mga quarantine facility. May ilang OFWs na rin ang tumatakas sa pasilidad.
Ayon kay presidential spokesperson Harry Roque, aatasan ng Palasyo ang OWWA na magsagawa ng imbentaryo sa bilang ng mga OFW sa mga quarantine facility na naghihintay ng COVID-19 test at test results.
“Hihingi tayo ng inbentaryo sa OWWA kung sinu-sino ‘yong mga naghihintay ng resulta, bakit ganoon katagal at bibigyan ko po kayo ng abiso kung ano sasabihin ng OWWA,” Presidential spokesperson Harry Roque said.
Humingi naman ng pang-unawa si OWWA administrator Hans Leo Cacdac sa mga OFW na dagdagan ang pasensiya sa pagkakaantala ng proseso sa kanilang COVID-19 test at test result.--FRJ, GMA News