Iginiit ng negosyante at internet personality na si Francis Leo Marcos na wala siyang kalasanan at ginigipit lang matapos siyang arestuhin ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) nitong Martes.
Dinakip si Marcos sa Quezon City sa bisa ng arrest warrant na inilabas ng korte sa Baguio City dahil sa paglabag umano niya sa Optometry Law nang mamahagi ng prescription eyeglasses nang walang pahintulot ng Philippine Association of Optometrists.
“Para do’n sa mga taong nasaling ko ang damdamin do’n sa aking ‘Mayaman Challenge,’ ako nama’y humingi na ng tawad sa inyo e,” sabi ni Marcos sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras."
“Kumbaga, ang layunin ko lang naman dito’y makatulong, hindi para makaperwisyo. Pero gano’n talaga, tatanggapin ko po ‘yang persecution na ‘yan. Walang problema kung ako’y pine-persecute diyan,” dagdag ni Marcos na mayroong mahigit isang milyong tagasubaybay sa kaniyang Youtube account.
Ayon kay NBI Cybercrime Division chief Vic Lorenzo, gumagamit din umano si Marcos ng pangalang Norman Mangusin.
“May mga dokumento tayo kasing na-retrieve diyan na mga magpapatunay na siya nga ‘yung Norman Mangusin,” anang opisyal.
“He submitted a passport na Francis Leo Marcos tapos isang dokumento naman na Norman Mangusin. So which is which? Pero kami, naniniwala kami that his real name is Norman Mangusin,” dagdag niya.
Sinabi naman ni NBI deputy director Ferdinand Lavin na mayroon din umanong kinakaharap na asunto si Marcos na "non-bailable" kaugnay sa paglabag sa Anti-Human Trafficking in Persons Act noong 2006 dahil sa pag-recruit umano ng mga bata.
Pero paliwanag ni Marcos, “‘Di po ako na-involve diyan sa kahit anumang iligal na aktibidades. Hindi po tayo naging kriminal o hindi po tayo na-involve kahit po holdapan o anuman. Tayo po ay masipag maghanapbuhay, magtrabaho.” — FRJ, GMA News