Isang lalaki na wanted sa pagpatay sa amo niyang retiradong pulis ang naaresto pagkaraan ng apat na taon. Ang suspek na gumamit ng ibang pangalan, natunton nang batiin sa Facebook ang kaniyang anak na nagdiwang ng kaarawan.
Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, kinilala ang suspek na si Prelan Grama, na naaresto ng mga awtoridad sa Sogod, Southern Leyte nitong Sabado.
Si Grama ang itinuturong pumatay sa kaniyang dating amo na si retired Manila Police District Station 3 commander Colonel Cipriano Herrera noong December 2015.
“Sa tulong po ng social media at saka ng networking, nagkaroon tayo ng magagandang lead para matunton natin ang kinaroroonan ng mga wanted na tao,” ayon kay Police Colonel Remus Medina, NCRPO RSOG chief.
“Birthday ng anak niya [Grama] tapos binati niya ‘yong anak niya through Facebook using not his name pero may mukha siya doon kaya nakuha siya,” dagdag ni Medina.
Nitong Martes, nailipad na sa Maynila si Grama.
Inamin ni Grama ang nagawang krimen pero iginanti lang daw niya ang kaniyang kapatid na babae na minolestiya umano ng biktima.
Gayunman, humingi ng patawad ang suspek sa pamilya ng biktima.
Nagpasalamat naman si Fiscal Mariel Herrera sa pagkakaaresto kay Grama.
“It has been a long and painful journey for all of us. There were days during the 4-year period na akala ko ‘di na namin siya makuha pero nagpapasalamat ako na ‘di tumigil ‘yong sa kapulisan,” anang piskal.
Samantala, isa namang suspek sa panghahalay sa Metro Manila ang nadakip sa La Union sa tulong din ng social media at umiiral na lockdown.
Ayon Police Major Lymel Pasquin, team leader ng umarestong mga pulis, nadakip nila ang suspek na si Napoleon Polendo, nang painan nila ito ng chatmate para matunton ang kinaroronan.
“Pinainan po namin siya ng chatmate, ka-chat and ang ginawa po naming pang confirm sa location is pinadalan po namin ng pera,” paliwanag ni Pasquin.
Nang katagpuin ni Florendo ang pain na chatmate, doon na siya naaresto ng mga operatiba ng NCRPO.
“By February po umuwi ako sa La Union sa lola ko para bisitahin po tapos inabot po ng lockdown,” ayon kay Florendo.
Ayon kay Medina, hindi kaagad nakakaalis sa kanilang kinaroroonan ang mga tinutugis nilang wanted dahil sa lockdown.
Mula nang ipatupad umano ang lockdown, 83 wanted na ang nasakote ng NCRPO.--FRJ, GMA News