Pinagpapaliwanag na ng Department of Energy (DOE) at Energy Regulatory Commission (ERC) ang Manila Electric Co. (Meralco) kaugnay na dinadagsang reklamo sa napakataas na singil sa kanilang konsumer partikular sa buwan ng Mayo.
Ayon kay Energy Secretary Alfonso Cusi sa video message sa mga mamamahayag nitong Martes, sila man ay nagulat sa dami ng natanggap na sumbong tungkol sa naturang sinisingil ng Meralco.
“Ikinagulat din po natin iyan dahil sa dami po ng tawag na natanggap ng aming Consumer Welfare and Promotion Office tungkol sa bagay na iyan. Nagulat po kami dahil sa sinasabing ‘yung average bill na gagamitin for May ng the past three months ay mas mataas kaysa doon sa pinakamataas na bill sa nakaraang tatlong buwan,” sabi ni Cusi.
“So ito po ay sinulatan namin ang Meralco. Humihingi po kami sa kanila ng paliwanag and as soon as we receive the reply of Meralco, we will let the public know,” dagdag ng kalihim.
Samantala, sinulatan din ng ERC ang Meralco upang ipaliwanag ang naging sistema sa pagkuwenta sa singil sa kuryente sa panahong ipinatupad ang lockdown.
Sa sulat na ipinadala ng ERC sa Meralco na may petsang May 15, inatasan ang power distributor na magpakita ng katibayan sa basehan ng kanilang singil sa kanilang mga konsumer para sa mga buwan ng Marso, Abril, at Mayo.
“We have been bombarded with complaints on Meralco’s alleged high billings covering the past three months, including this May, and we need to look into these consumers’ allegations that we required Meralco to submit to us data or information for us to validate the accuracy of their billing calculations,” sabi ni ERC chairperson and CEO Agnes Devanadera.
Limang dokumento ang hinihingi ng ERC sa Meralco na batayan sa ginawang paniningil ng power distribution para sa nakalipas na tatlong buwan.
“The data that we required of MERALCO will enable the Commission to determine if MERALCO has indeed complied with the relevant rules issued by ERC, such as the Distribution Services and Open Access Rules or DSOAR, and implemented accurately the pertinent Advisories that we issued on 15 April and 5 May 2020 relating to the implementation of Pass Thru Charges to the consumers,” sabi ni Devanadera.
“We are adhering to our mandate of ensuring that the interest of the consuming public is promoted and protected,” dagdag ng opisyal.
Una rito, ipinaliwanag ng Meralco na ang ibinase nila ang singil ng buwan ng Marso at Abril sa nakalipas na billing ng konsumer sa nakalipas ng tatlong buwan.
ALAMIN: Meralco, ipinaliwanag ang basehan ng 'mataas' na singil sa kuryente ngayong Mayo
Samantalang mas mataas naman umano ang billing sa buwan ng Mayo dahil sa tinawag nilang "full impact" ng lockdown kung saan nasa bahay lang ang mga tao at mas mainit na panahon kaya inasahan na mas malakas ang konsumo ng kuryente.
Sinabi ni Meralco spokesperson Joe Zaldarriaga, na handa silang sagutin at ipaliwanag ang usapin tungkol sa basehan ng kanilang singil.
“We have been transparent from the start and communicated the same to consumers,” ayon kay Zaldarriaga.
“We already clarified that as part of the ECQ period, some March and all April bills were estimated based on the past three months’ average daily consumption, following the Distribution Services and Open Access Rules (DSOAR) issued by the ERC,” dagdag niya.--FRJ, GMA News