Nilinaw ni Speaker Alan Peter Cayetano nitong Martes na hindi mangangahulugan na awtomatikong maaprubahan ang prangkisa ng ABS-CBN sa sandaling magsagawa sila ng pagdinig tungkol sa nangyaring pagsasara ng naturang network.

Ginawa ni Cayetano ang pahayag sa harap ng ilang panawagan na madaliin ng Kamara de Representantes ang pagdinig sa prangkisa ng naturang network na ipinasara ng National Telecommunications Commission (NTC) nitong nakaraang linggo matapos mapaso ang kanilang prangkisa.

"To those calling for an immediate hearing on this matter, including my colleagues in Congress, let me just be very clear—a hearing does not mean automatic renewal," saad ni Cayetano sa  Facebook post.

"While the deception of the NTC and the meddling of the Solicitor General adds exigency to the matter, there are still other concerns that need to be resolved," dagdag niya.

Pero ang tiniyak ni Cayetano, mabibigyan ng pagkakataon sa pagdinig ang ABS-CBN na ibigay ang kanilang panig, gayundin ang panig ng mga tutol sa pagbubukas muli ng network.

"The serious concerns that have been raised can no longer be swept under the rug, and it is absolutely necessary for Congress to give this matter all the time and attention it requires," sabi ni Cayetano.

Paliwanag pa ni Cayetano,  hindi mabibigyan ng linaw ang mga usapin sa prangkisa ng ABS-CBN kung hindi magkakaroon ng "series of proper hearings."

"Ultimately, it is only through a fair, impartial, comprehensive, and thorough presentation and appreciation of the evidence that we can clear the air," anang lider ng Kamara.

"Your House of the People will put the interest of the Filipino people first, and in these extraordinary times prioritization, fairness and timing is of utmost importance," dagdag niya.

Ilang kongresista ang umapela kay Cayetano na kaagad na atasan ang House Committee on Legislative Franchises na magpulong para talakayin ang mga panuklang batas patungkol sa prangkisa ng ABS-CBN.--FRJ, GMA News