Dahil sa pangambang dala ng naipong bayarin matapos ilang buwang hindi nagparamdam si "Judith", ang patawang bansag sa due date ng mga utility bills, isinusulong sa Senado ang isang panukalang maghahati sa tatlo ang pagbayad ng residential utilities sa gitna ng enhanced community quarantine.
Ayon sa ulat Ian Cruz para sa 24 Oras nitong Lunes, inihain ni Senator Francis Tolentino ang “Three-Gives Law” upang pagaanin ang pagbabayad ng mga tulad ng mga bayarin para sa tubig, kuryente, at telepono sa gitna ng umiiral na quarantine.
Sa ilalim ng batas na ito, magiging installment ang pagbabayad ng residential utilities.
Mahahati rin sa tatlo ang mga naipong bayarin at hindi rin papayagan ang mga public utility franchise na magpataw ng interes.
Ito po ay isang buwang palugit na walang interes. Babayaran po nila ng tatlong beses hulugan. Hindi lang po sa Metro Manila kung kaya nga kasama rin po ‘yung ating mga electric cooperatives at water distrcit sa buong bansa,” ani ni Tolentino.
Maaaring magmulta ng hanggang P1 milyon ang mga lalabag kapag naisabatas ito.
Ngunit bago pa man isulong ang Three-Gives Law sa Senado ay nagsabi na ang Meralco na hahatiin sa apat ang mga naipong bayarin alinsunod sa utos ng Energy Regulatory Commission.
“For example, meron kang utang na P4,000 over the two-month period na hindi nabayaran ‘yung bill, uutay-utayin ‘yan sa apat na beses, magiging P1,000 kada hulog o kada buwan, most probably sa June,” paliwanag ng tagapagsalita ng Meralco na si Joe Zaldarriaga. -Julia Mari Ornedo/NB, GMA News