Napigilan ng taumbayan ang tangkang pagdukot ng apat na Chinese POGO workers sa kanilang kababayan sa Makati City. Ang biktima, nagpakilalang POGO worker din at nagpakita pa raw ng ID ng Liberation Army ng China.

Sa ulat ni Corinne Catibayan sa GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabi ng biktimang si Huang Wei na nagpapahinga na siya sa kaniyang bahay dakong 7:00 pm nitong Miyerkules nang biglang dumating ang mga suspek at sapilitan siyang isinasakay sa puting van.

Bukod sa apat na Chinese na suspek, may kasama rin silang dalawang Pinoy na inupahan daw na may susunduin lang na kanilang kababayan.

Pero pagdating sa lugar, nagulat daw ang dalawang Pinoy na suspek sa mga sumunod na pangyayari dahil sapilitan na nilang isinasama ang biktima sa van.

"May kukunin daw kaming empleyado nila tapos pagdating namin doon, nagulat na lang ako sa eksena na ganoon nga yung nangyari. Nagkagulo-gulo na sila," ayon sa suspek na Pinoy na si Arnil Abenoja.

Ngunit nabigong makaalis ang mga suspek nang dumating ang mga tao at pinaligiran ang kanilang van hanggang sa dumating ang mga rumespondeng pulis.

"Ang maganda nito ay itong mga taumbayan sila mismo yung humarang sa sasakyan na papatakas at sila yung nagtawag ng pulis kaya nakapagresponde din tayo kaagad dahil nandoon din sa area ang mga pulis," ayon kay Police Colonel Rogelio Simon, Chief, Makati City  Police.

Batay sa imbestigasyon, lumalabas na may utang umano ang biktima na P86,000 sa isa sa mga suspek. Dahil hindi nakapagbayad, plano na umanong dukutin ang biktima para piliting magbayad.

Lumilitaw na pawang nagtatrabaho sa isang POGO company sa Parañaque City ang apat na Chinese suspects.

Empleyado rin daw ng isang POGO company ang biktima at nagpakita pa sa mga pulis ng kaniyang ID ng Liberation Army ng China.

Sasampahan ng reklamong physical injury at kidnapping ang mga suspek.-- FRJ, GMA News